Zika Virus: Dapat Iwasan!
Kabi-kabila ang balita tungkol sa Zika virus. Maraming Pilipino ang nangangamba sa paglaganap ng Zika sa Pilipinas, lalo na't may nagpositibo na sa bansa na mayroong kaso ng Zika.
Ideneklara ng World Health Organization(WHO), na isang Public Health Emergency of International Concern ang Zika virus, na ngayon ay kalat na sa 29 na bansa. Ayon sa mga ulat, ang Zika virus ay unang natuklasan sa mga matsing sa bansang Uganda noong 1947 (Amy Vittor January 26,2016). Ayon sa Communicable Disease Center ng Estados Unidos, ang Zika ay matatagpuan sa South America subalit, may naitala na kaso ang Zika virus na nagmula sa biyahe galing sa bansang French Polynesia. Posibleng nasagip nilang strain ay Asian Lineage na Zika virus. Lumitaw ang Zika virus sa bansang Brazil noong nakaraang taon at mula noon ay kumalat na sa maraming bansa sa Latin America at sa Carribean. Meron na rin umanong kaso ng Zika virus sa Southeast Asia (Loraline R. March 22,2016).
Ang Zika ay isang sakit dulot ng Zika virus. Isang virus na hatid ng isang uri ng babaeng lamok na Aedes aegypti. Ang Zika virus ay nakukuha sa kagat ng lamok at maaring mahawa ng isang buntis ang kanyang dinadala. Karaniwang sintomas ng Zika ay parang trangkaso, makakaranas ng lagnat, pantal o rashes, pananakit ng kasu-kasuan at pamumula ng mata na parang sore eyes. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal ng ilang araw hanggang isang linggo mula sa pagkakagat ng lamok. Ito'y sinusuri sa pamamagitan ng dugo, ihi, o laway kung positibo sa Zika virus (http://kalusugan.ph/).
Lumilitaw sa mga bagong pagsusuri na kapag nakarating ang virus sa utak na bago pa lang nabubuo ay maaring mainfect at mapinsala ang mga selula na mahalaga sa pagpapalaki ng utak, Ayon kay Hengli Tang. Ito'y kinakabahala ng awtoridad sapagkat ang Zika ay nagdudulot ng mga komplikasyon sa pagbubuntis gaya ng microcephaly o pagiging maliit ng ulo ng sanggol. Maari din makahawa ang Zika sa pamamagitan ng pakikipagtalik (Ramon M. Bernardo March 21,2016).
Walang gamot sa Zika virus, kaya't kailangan mag doble ingat lalo na ang mga buntis dahil may masamang idudulot ito sa kanyang dinadala. Gawin lahat ng paraan para hindi makagat ng lamok. Ang tanging paraan upang malabanan ang Zika sa bansa at iba pang sakit dala ng lamok ay puksain ang mga ito. Kaya't kailangan natin maging malinis sa paligid. Mahalagang mayroon tayong kamalayan sa nangyayari sa ating paligid upang maiwasan at malabanan ang iba't ibang uri ng sakit.
Isinulat ni:
Honey Grace C. Moreno
Honey Grace C. Moreno
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento