Sabado, Nobyembre 26, 2016

ANG KAUGNAYAN SA LIKOD NG SIYENSYA AT NG RELIHIYON

 Ang Kaugnayan sa Likod ng Siyensya at ng Relihiyon
   Ni Rhonaliza Mie P. Runas

          Sa mundo na ating ginagalawan, malaya tayong hanapin kung ano ang katotohanan na walang pag-aalinlangan, na walang pagdududa o walang masasaktan. Malaya tayong pag-aralan ang lahat kung paano at bakit nagkakaroon ng ganito o ganyang bagay dito sa mundo. May dalawang bagay sa mundo na nagpapahayag kung paano at bakit nagkaroon ng kalawakan, ng mundo, ng tao at marami pang iba, ito ay ang siyensya at ang relihiyon. Ang siyensya ay ang pag-aaral tungkol sa paghahanap ng katotohanan base sa eksperimento at pag-oobserba. Pinag-aaralan dito kung paano nagkaroon ng isang bagay at kung saan nagsimula. Sa kabila naman, ang relihiyon ay ang paniniwala sa Diyos na nag-uugnay sa ating espiritwalidad at nagbibigay kasagutan kung bakit mahalaga ang buhay.
      Ang siyensya ay tinatalakay nito ang mga posibleng paraan na maaaring masagot kung paano ito nangyayari. Ito rin ay isang paraan upang matugunan ang ilang mga katanungan na hindi masasagot ninuman. Subalit, ang relihiyon ay naging gabay upang maisagawa ng mga siyentipiko ang kanilang mga nais na gawin. Ang pagkakaroon ng malakas at matibay na pananampalataya sa Diyos ang nagbigay sa lahat upang hanapin at unawain kung ano ang katotohanan. Sa dalawang ito ipapaliwanag ang kanilang layunin at kung bakit masasabing hindi dapat paghiwalayin. Ang siyensya at ang relihiyon ay madalas na hindi maunawaan ng karamihan na naging dahilan upang pumili ang isang tao ng isa sa dalawang ito.
          Madalas na naguguluhan o nalilito kung ano o alin ang dapat paniwalaan. May mga pagkakataon na ito ang naging sanhi ng pag-aawayan ng mga tao. Ngunit ang siyensya at relihiyon ay walang dapat pag-awayan sa kadahilanang ito ay magkaugnay. Ito rin ay parte na ng pagkabuhay. Ang siyensya ang naging daan kaya nagkaroon ng mga gamot sa anumang sakit, nakapag-imbento ng sasakyan, ilaw at marami pang iba. Ang relihiyon naman ay ang daan para maunawaan ang halaga ng buhay sa mundo.
      Para mas mauunawaan ang kahalagahan ng dalawa, ayon sa isang artikulo na sinasabi ni Isaac Newton na " ang siyensya ayhindi hiwalay mula sa relihiyon bagkus ito ay isang aspeto ng relihiyon at sa katunayan ay sunod o laging ayon ito sa relihiyon. Subalit nagkaroon lamang ito ng paghihiwalay sa panahon ni Darwin. Nabago ang konsepto ng siyensya dahil sa nais na maitaguyod ang siyensya bilang isang lubos na karibal na pananaw. Naging resulta nito ang hindi pagkakakaunawaan sa pagitan ng dalawa"(Michael Baigent, Richard, Henry Lincoln, "The Messiamic Legacy" Gorgi Books, London: 1991, p. 177-178). Nagkarooon lamang ng hindi pagkakaintindihan ang dalawa dahil sa mga panibagong konsepto o aspeto na nabuo dahil sa iba't ibang taong nag-aaral ukol dito.
          Ayon naman kay Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at isang kilalang heart surgeon, "walang dapat pagtalunan ang siyensya at relihiyon. Nagkakaroon ito ng pagtatalo kapag hindi sapat ang kaalaman tungkol sa dalawang ito. Nagmula man ang katotohanan sa laboratoryo ng siyensya o sa paghahayag mula sa Diyos, magkatugma ito." Ayon din sa sinabi ni Sister Ellen Mangrum, "Ipinaliliwanag ng siyensya ang paano subalit hindi maipaliwanag ang bakit. Pinapaliwanag ng relihiyon ang tanong na bakit, bakit nilikha ang daigdig at bakit tayo narito" Magkaiba man ang layunin ng dalawa ngunit ito'y magkatugma. Sinasabing may mga katanungan ang hindi kayang sagutin ng siyensya na kayang sagutin ng relihiyon. Ngunit ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa dalawa ang mas makakatulong upang mas maunawaan ang layunin ng bawat isa. (Alicia K. Stanton, "Siyensya at ang Paghahanap Natin sa Katotohanan, " Liahona, Hulyo 2016).
          Mahalagang malaman natin kung saan ang ating hangganan tungkol sa paghanap ng katotohanan. Mahalagang malaman ang bawat layunin ng bagay-bagay sa mundo. Hindi magiging mahirap kung pag-aaralan ang pagkakaiba ng siyensya at relihiyon. Hindi magiging mahirap kung uunawain ang konsepto ng dalawang ito. Isa ito sa napakahalagang pag-aralan dito upang maunawaan ng lahat na ang siyensya at ang relihiyon ay hindi magkaaway o tutol sa isa't isa. Dahil ito ay magkaugnay at masasagot nito kung paano at bakit nagkaroon ng daigdig. Mas mauunawaan ang pag-aaral na ito na magsisimula sa sarili na mas maunawaan ang pagkakaroon ng mga ganitong bagay sa mundo.

Pinagkuhanang ideya
Mula sa : http//tl.harunyahya.com/tl/Artikulo/2005/pinagtibay-ng-mga-siyentipiko-ang
                 https://www.lds.org/liahona/2016/07/youth/science-and-our-search-for-truth?lang-tgl

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento