Huwebes, Nobyembre 24, 2016

"Makabagong Kabataan"


Pagmasdan mo ang iyong paligid. Marahil ay namamangha ka rin gaya ko. Namamangha sa paghubog ng mundong ginagalawan natin. Sa tinatakbo nito, malayo-layo na rin ang ating narating. Mga teknolohiya, siyensiya, moda, medisina at marami pang iba. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon at pag-usbong ng mundo, lumilipas na rin ang kaugalian ng "Generation X" o "#TeamMillennials" kung tawagin ngayon. Mga kabataan ng makabagong henerasyon.

Ayon sa artikulo ni Mendoza (2015), ang mga pilipino ay tanyag sa angkin nitong magagandang katangian na kahit pa nasakop ang pilipinas ng iba't-ibang bansa ay nanatili pa rin ito sa bawat pilipino. Ngunit paunti-unting tumatagilid ang barkong sinasakyan nating mga kabataan dahil hindi na balanse ang laman nito. Ang henerasyon natin ngayon ay masyadong komplikado, dahil kung sino man ang hindi sumunod sa uso ay talagang mababansagang "Dakilang OP" o "Out of Place". Kalimitan rin nating naririnig ang mga katagang "Noong bata pa kami..." sa ating mga magulang tuwing tayo'y pinangangaralan. Iba't-ibang kwento ang naririnig natin sa mula sa kanila na halos masaulo na natin. Na noong bata pa raw sila ay lalaki mismo ang pumupunta sa bahay ng babae habang dala nito ang kaniyang gitara at tinitipa ito habang nag-aalay ng munting harana o di kaya nama'y balde-baldeng pawis sa pagsisibak ng kahoy at pag-iigib ng tubig. ngunit ngayon nga raw ay instant na lahat. Akala mo noodles lang ang instant? ngayon, pati sa pag-ibig instant na rin. Ang ending ay iiyak ka na parang batang inagawan ng kendi.

   Ayon naman sa sikat na website ng definitelyfilipino.com, marami pang kaugalian ang nabago ngayon kumpara noon. Noon, Ang lahat ng kababaihan ay maituturing na maganda ngunit ngayon raw ay hindi lahat ng magaganda ay babae. Dahil nga sa layo ng narating ng teknolohiya at medisina, mga kumplikadong bagay ay nagagawan na ngayon ng paraan. Noon pa raw, ang mga tatoo ay para lamang sa mga preso o ex-convict ngunit ngayon nama'y maituturing na itong isang sining. Halos pintahan na ang buong katawan ng kung sino-sinong mukha at bagay-bagay. Noon, masaya na ang ang pilipino sa mga halamang ugat at kapeng barako ngunit ngayon ay dapat Mcdo fries at Starbucks na. Dati-rati ay mahalaga ang privacy ngunit ngayon minu-minuto na ang pagpo-post ng kabataan sa Facebook kaya naman samu't-saring crimen ang nagsusulputan. 

Isa pa sa mahahalagang mga pagbabago sa kaugalian ng kabataan ay ang relasyon nito sa kanilang magulang. Ang kawalan ng respeto at hindi pakikinig sa mga pangaral ng mga magulang. Masyado pang hindi buo ang pag-iisip ng kabataan ngayon kaya nama'y hindi magkaintindihan ang magulang at anak. Dahil sa hindi pagkakaintindihan, maraming kabataan ang nagre-rebelde, suwail at walang pakialam sa kanilang mga magulang na sinabi din ng kkk.wave.net.ph na  website. Sinabi rin sa site na ito na ang mga kabataan ay aminadong may nagawang kamalian. Marami-rami at hindi na mabilang  at nagdudulot pa ng sakit ng loob sa magulang. Pero marunong rin kaming umunawa, kumalinga at magmahal. Para lamang itong hangin, hindi man nakikita ngunit nararamdaman naman.

Kalayaan, mag-saya, gumastos ng pera, makiuso at magpadala sa mga barkada. Oo, mga bata pa kami. Oo, wala pa kami kahit sa kalahati ng buhay namin. Sa paglipas ng panahon ay magbabago  na naman ang mga kabataan ng bawat henerasyon. Sa paglipas ng panahon, mag-iiba na naman ang pag-ikot ng mundo. Sa paglipas ng panahon, ang pagbabago ngayon ay mas madaragdagan pa. Sa paglipas ng panahon, mas marunong na kaming kumilala ng dapat at tama sa hindi dapat at mali. Pero bilang kabataan, marami man nagawang kamalian at pagbabago sa kaugalian, heto muna ang aming daan para matuto sa buhay.

Isinulat ni:
Ron Aldrich B. Abante

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento