Huwebes, Nobyembre 24, 2016

Christine Mae F. Mata Abm- A

K-12: SUSI SA PAG-UNLAD NG LITERASIDAD
SA BAWAT MAG-AARAL

            Hindi natin maikakaila ang kakulangan ng edukasyon sa Pilipinas. Ika nga, ang edukasyon ang susi sa pag-abot ng ating mga pangarap. Iba’t-ibang paraan ang ginawa ng ating pamahalaan upang magkaroon ang Pilipinas ng sapat na edukasyon , upang sa pagdating ng makabagong panahon, mabawasan ang karukhaan mayroon ang ating bansang sinilangan. Isa sa mga paraang ito, ang implementasyon ng K-12 Program.
            Ayon sa Anakbayan Up Los Baňos noong taong 2012 ang K-12 program ay sinimulang ipinatupad ng pamahalaan noong school year 2012 na naglalayong baguhin ang sistema ng edukasyon sa ating bansa. Sa programang ito, ginawang sapilitan ang pagpasok ng mga bata sa kindergarten, nagkaroon rin ng junior high school na nagsisimula grade 7 hanggang grade 10 at senior high school na mayroon lamang dalawang taon, ang grade 11 and 12. Ayon sa DepEd ang K-12 ay para rin sa dumaraming bilang ng out-of-school youth at solusyon daw sa bumababang marka ng mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya.
            Ayon naman kay Tecson, Jollina Gayle noong 2014, bago humantong sa positibong layunin, may mga negatibong reaksyon ang karamihan sa pag iimplementa nito. Ang pagpapatupad ng K-12 ay upang makalikha ng mga semi-skilled na manggagawa upang matugunan ang pangangailangan ng mga dayuhang korporasyon at dayuhang pamilihan ng paggawa. Dahil na rin sa maaari nang makapagtrabaho ang mga kabataan pagkatapos ng hayskul, iilan na lamang ang nanaising makapagtapos ng kolehiyo dahilan upang babaan ang badgyet sa edukasyon. Hindi daw ang pagpapatupad ng K-12 ang solusyon sa mababang kalidad ng edukasyon sa ating bansa, ayon nga kay Trillanes, “Mas makabubuti para sa ating bansa kung hindi muna ipatutupad ang K to 12 Program hanggat hindi pa nasosolusyunan ang mga problema sa sistema ng ating edukasyon tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan at kagamitan ng mga estudyante, at ang kakulangan sa mga guro at ang kanilang mababang sahod”.
            Bagama’t may mga negatibong reaksyon nanaig pa rin ang kagustuhang ipatupad ang programang ito ng ating pamahalaan sa layuning mapataas ang kalidad ng edukasyon at paunlarin ang ekonomiya ng bansa sa mga susunod na henerasyon. Layunin din nito na mas ihanda ang mga kabataan sa pagtatrabaho, kapag natapos ang mga kabataang ito sa high school, nasa sapat na silang gulang (18 taong gulang) at sapat na kakayahan upang maghanap ng magandang trabaho. Sa katunayan, ang programang ito ay naglalayong ang mga nagsisipagtapos sa K-12 ay maari nang ituring na mga propesyunal at may mataas na pinag-aaralan sa ibayong-dagat.
            Ang K-12 program ay isa lamang sa paraan upang mapaunlad ang edukasyon sa bansa, paraan upang mabigyan ng panibagong pagkakataon ang bawat mag-aaral upang madagdagan ang kanilang kaalaman at mapaghandaan ang magiging buhay nila sa hinaharap. Subalit na sa atin pa rin ang kagustuhan at paraan kung paano tayo matututo dahil kahit ano mang paraang ipatupad ng pamahalaan ay nasa satin pa rin ang aksyon kung paano natin ito gagamitin at kung paano tayo nito matutulungan. Ika nga, “ang pagbabago ay magsisimula sa ating sarili”.

(Tecson, Jollina Gayle 2014)
          (Anakbayan Up Los Baňos 2012)
(Department of Education 2015)


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento